
Ramil Tumampos
7 Artworks
Biography
Ipinanganak sa Tagum City, Davao del Norte. Ipinanganak noong Agosta 3, 1975. Bata pa lang ay mulat na ako sa larangan ng pag pipinta, dahil ang tatay ko ay isang pinsor ng sinehan. Natatandaan ko noon, mga anim na taong gulang palang ay pinagpipintura na ako ng tatay ko, pero may kasama ito ng paglalaro laro. May pag kakataon na pinintahan ng tatay ko ang aking mukha, galit na galit ang nanay ko noon. Pag tungtong ng 10 hanggang 12 taong gulang, ginagaya gaya ko ang mga guhit ng mga komiks na usong uso noon.
Dumating ang panahon na nangangailangan ng pintor ang company na pinagtratrabahuan ng tatay ko at pinapahanap siya ng isang pintor pero idedestino sa Maynila. Ako ang iniisip ng may ari ng kompanya na maging pintor. Hindi pumayag ang tatay ko dahil teenager pa lamang ako noon, mga 15 taong gulang ako ng mga panahong iyon at nakatira kami sa Cebu. Pero dahil lumakas ang mga sinehan noon, pinapahanap ulit ang tatay ko ng ibang pintor. Lahat ng mga kamag anak ko na pintor din ay nabigyan na ng tatay ko ng trabaho bilang pintor ng mga sinehan, ako na lang ang hindi. Kaya sa pagkakataong ito kinausap ako ng tatay ko ng masinsinan kung gusto ko bang magtrabaho sa Maynila. Ang sabi ko, “opo gusto ko”. Kaya napunta ako sa Maynila para magtrabaho bilang pintor pero nadestino ako sa Cavite. Noong mga 1995 nag umpisang humina ang mga sinehan na pinagtratrabahuan ko dahil sa mga mall na may mga sinehan din. Kaya naghanap ako ng ibang mapagtrabahuan.
Napunta ako sa ARAMBULA Advertising pero mga isang taon lang ang lumipas tuluyan ng nawala ang trabaho bilang pintor sa mga sinehan.
Meron akong nakikila, isang mahusay na artist, siya si Wendell Cristobal, sa kanya ako natuto ng higit at napa improve ang aking pagpipinta. Ang ginagawa namin noon ay yung tinatawag nila na commercial printing. Matagal tagal din ako sa trabahong ito, kaya dito nabuo ang mga istilo ko sa pagpipinta.
Sa isip ko kelan ko gagamitin o ilalabas ang mga original na mga ediya at istilo ko? Dumating ang panahon kung kelan napasama ako sa isang exhibit, bagay na pangarap ko lang noon. Napasama ako sa kaunaunahang exhibit na inoorganisa ni Sir Lander Blanza. At hindi natapos doon ang pagsali ko sa mga iba’t ibang exhibit, hanggang ngayon patuloy pa rin akong sumasali. Ang layunin ay makilala ang istilo ko sa pag pipinta. Napasa na rin ako sa libro na ginawa ni Sir Lander na ALPHABET of FILIPINO Contemporary Artist.